Thursday, October 10, 2013

"Si Rizal: Mag-aaral"

Rizal bilang Isang Mag-aaral

          Ang pagkakaroon ng maayos na edukasyon ay isa sa pinakamahalagang regalong maaaring matanggap ng isang tao. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman ay isang malaking sandata upang lumaban sa iba't-ibang aspeto ng buhay. Hindi kailangang matandaan ang lahat ng bagay sa pag-aaral, ngunit ang paggamit ng mga ito sa tunay na buhay ang pagpapakitang marami kang natutunan. Maaaring gumawa ng mga simpleng bagay; ngunti kahit na sa maliliit na mga ito ay maaaring maging malaki kung ito'y lubhang makatutulong sa iba.
            Isa sa pinakasikat na taong nagpamalas ng matinding pagpupursirge sa pag-aaral ay ang pambansang bayani ng bansa - si Jose P. Rizal. Ngunit sa kabila ng mga bagay na idinidikit sa kanyang pangalan, o sa pagtanggal ng pagka-"pambansang bayani" ni Rizal, lalabas ang isang simpleng tao... Isang taong minsa'y naging simpleng batang nag-aaral tulad namin. Si Rizal... bilang isang estudyante.


Si Rizal, Ako at ang mga Magulang


          Nagsisimula ang sosyalisasyon sa tahanan kung saan nakukuha ng mga bata ang kanilang mga unang kaugalian at kaalaman. Malaki ang nadudulot ng mga magulang sa kanilang mga anak; lalo na ang kani-kanilang mga gawain. Kung sakaling ang mga magulang ay lasenggo, malaki ang posibilidad na ang kanilang mga anak ay magiging tulad din nila.
           Alalaong baga, mapalad pala si Rizal sa pagkakaroon ng mabubuting mga magulang. Sa pagkakaroon ng responsableng ina, siya ay natuto ng mga kwento at bagay-bagay na totoong kapupulutan ng mga magagandang asal. Si Ginang Teodora Alonzo ang unang naging guro ni Rizal. Sa aking kondisyon, ang nanay ko rin ang unang nagturo sakin kung paano magbasa, magsulat, at maging maayos na mamamayan. Tunay ngang sobrang mahalaga ang tungkulin o ginagampanan ng mga magulang sa paglaki ng kabataan.

Edad: Pisikal at Emosyonal

         Sa kabataan ni Rizal, nalayo siya agad sa kanyang pamilya upang mas hanapin ang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral sa mas malayong lugar. Sa kanyang maliit na pangangatawan, namuhay siyang matatag sa kabila ng pagkalayo sa pamilya. Hindi naging hadlang ang pagkahiwalay sa mga magulang ni Rizal, datapwa't, naging daan pa ito upang mas mapabuti ang mga gawain sa paaralan. Ipinakikita na kahit maliit at bata pa si Rizal, o bata man siya sa pisikal na estado ng buhay: kay sayang isipin na mas matanda na ang kanyang pang-emosyonal na buhay kung ikukumpara sa ibang kabataan. Magkaiba ang pisikal at emosyonal na edad ng tao. At, si Rizal ay isa sa napakaraming nagpapatunay na hindi hadlang ang pagiging bata sa pagkamit o paggawa ng mga tungkulin bilang isang mabuting mamamayan.

Ako at ang mga Medalya

                Hindi maikakailang si Jose Rizal ay matalino; patunay ang kanyang mga tinamasang parangal mula pa noong kanyang pagkabata. Noong siya ay siyam na taong gulang, nag-aral siya sa paaralan ni Maestro Justiniano Aquino Cruz sa Binan. Nilagpasan niya sa larangan ng Espanyol, Latin, at ibang mga asignatura ang kanyang mga nakatatandang kamag-aral.
               Pagsapit ng Mayo taong 1872, siya ay pinadala sa Maynila upang mag-aral sa Ateneo de Municipal na pinamumunua ng mga paring Heswita. Sa kanyang pag-aaral sa Ateneo, si Rizal ay nagawaran ng maraming eskolastiko at extra-curricular na parangalan. Pagsapit ng ika-23 ng Marso taong 1877, siya ay nagtapos bilang Sobresaliente, ang pinakamataas na parangal sa Ateneo, sa kursong Bachelor of Arts. At hindi lang dito nagtatapos ang pagkamit ng akademikong tagumpay ni Jose Rizal.
               Sa isang silip sa buhay-estudyante ng ating pambansang bayani, hindi maiiwasang mamangha at ikumpara ang ating sarili sa kanya. Masasabi man nating si Jose Rizal ay nagtataglay ng ekstra-ordinaryong galing, maaari pa rin nating sabihin na ang kanyang nakamit ay kaya rin natin.
               Marami ang humubog sa talento ni Rizal, at alam niya kung saan siya magaling. Sa pamamagitan ng mga ito, makakaya rin nating makatanggap ng mga medalya. Kailangan nating alamin at pagyamanin ang ating mga talento. At kailangang ding alalahanin na hindi nakamit ni Rizal ang kanyang tagumpay nang walang pagsisikap.

Kahit na Mahirap, may mga Pangarap

Picture from: 
http://art.seema.biz/wordpress/index.php/change-myself  
      Maraming nagsasabi na si Rizal ay mayaman. Ngunit, may mga panahon ding nakaranas siya ng hirap, partikular na sa panahon ng Calamba Hacienda Case. Ito ang panahon kung saan sapilitang pinaalis ang pamilya Mercado sa kanilang bahay sa Calamba dahil sa di umano’y hindi nila pagbayad ng buwis. Ngunit bago pa man sila mapaalis, gumawa si Rizal ng paraan para hindi mapaalis ang kanyang pamilya. Nangolekta siya ng mga impormasyon na pwedeng gamitin laban sa mga Dominikanong prayle. Ginamit niya ang kanyang utak, upang sa gayon ay malusutan nila kahit papano ang mga suliraning kinaharap nila. Tayong mga Iskolar ng Bayan ay katulad din ni Rizal. May mga pangarap tayo kaya tayo ay nag-aaral ng mabuti upang sa gayon ay maiahon natin ang ating mga magulang mula sa kahirapan. 
         
              Nakaranas din si Rizal ng kahirapan noong siya ay nasa ibang bansa. Minsan, natatagalan ang pagdating ng mga padala sa kanya ng kanyang pamilya kaya tuwing tanghali lalabas siya at babalik makalipas ang ilang minuto at aakalain ng lahat na siya ay kumain na. Bago siya tumuloy sa isang hotel, tinatanong niya muna kung magkano ang bayad kung mayroong agahan at kung wala at madalas ay pinipili niya ang walang agahan. Naranasan niya na P50 lang ang kanyang salapi sa loob ng isang buwan. Binawasan pa niya ang mga pahina ng kanyang nobela upang makabawas sa gagastusin sa pagpapalimbag kung saan tinulungan pa siya ng mga kaibigan niya sa mga gastusin. Kahit na nakaluluwag sa buhay ang kanyang pamliya, naranasan din ni Rizal ang kahirapan ng buhay na nararanasan ng karamihan sa atin ngunit hindi ito naging hadlang upang makamit niya ang kaniyang hinahangad. Nalampasan niya ang mga pagsubok na ito dahil determinado siyang makamit ang kanyang pangarap. Hindi dapat limitahan ng kahirapan ang ating kakayahan na mangarap at abutin ito dahil kahit sino sa atin ay kayang abutin ang mga pangarap kung matiyaga at determinado.

Si Rizal, Si Oble, at Ako

          Hindi maikakaila na si Rizal ay may matinding pagmamahal sa edukasyon at karunungan. Isa ito sa mga katangian niyang dapat ipamalas ng sinuman. At bilang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas, naniniwala tayong ito ang pinakamahalagang matutunan ng bawat isa sa atin. Sapagkat ang pagpapahalaga at pagmamahal sa edukasyon ay isang daan upang makamtan natin ang kalayaan. Kilala ang unibersidad sa "Honor and Excellence". Katulad ni Rizal, nawa'y sa lahat ng ating gagawin, lalung-lalo na sa pag-aaral, talimahin natin ang kasabihang yun. Maging modelo tayo sa mga ibang tao at sa mga susunod na estudyante. Dahil ang pag-aaral ay hindi lamang para sa pansariling pakikinabang, ito ay isa sa malaking parte sa daan tungo sa kaunlaran ng bayan.